Wednesday, September 7, 2011

Pagpapayat.

Ang unang tagalog blog. BOW. Trip trip lang. Inaasam na kasing galing ko sumulat si Bob Ong. O baka excuse ko lang ito kasi wala sa mood ang utak ko mag-Ingles. Kung anuman un, wala nang pakialaman basta tagalog ito.

"Bukas na ako magdadiet."

Medyo tapos na ako sa linyang yan. Sa tingin ko lang naman. Pero base sa nakaraang buwan, mas desidido ako ngayon sa pagpapayat. Ano nga ba ang dahilan bakit ako nagpapayat? Marahil ito ay sa frustration ko sa pananamit. Wala na kaya akong kasyang damit. Masasabi kong mas marami na akong damit na pang-opisina kaysa sa mga pangcasual ko lang. Ibig sabihin nito, malaki na ako talaga kasi halos lahat ng mga pangopisina ko ay kelan ko lamang nabili kaya kasya ang mga ito sakin. Nakakalungkot kapag dumadating na ang weekend dahil sa problema ko na naman sa pananamit. Halos lahat masikip. Minsan nagagalit ako sa sarili ko kung bakit ko hinayaang magkaganito ang katawan ko.

Kaya heto ako ngayon at pursigidong magbawas ng timbang. Isang buwan o mahigit na akong hindi naghahapunan. Sinabayan ko pa ito ng pagkain ko ng kalating tasa na lamang ng kanin. Dalawang linggo na siguro un. Ngayon naman, may isinasagawa akong diet na tatagal ng pitong araw. Crash diet raw ito ngunit marami na rin nakapagsabi sa opisina na epektibo raw ito. Isang linggo lang at makakapagbawas ka na ng 10-17 lbs. Naengganyo ako itong subukan. Kahapon nagsimula ang unang araw at masasabi ko namang nakayanan ko ito. Bagamat andun parati ang tukso lalo na kapag mayroon kang naamoy na masarap.

Ngayon, ako ay nasa ikalawang araw na. Kaya ko pa naman. Hindi pa naman ako nahihilo o nanghihina. Nagawa ko pa rin ang trabaho ko nang matiwasay. Ang problema ko lang talaga ay kung kaya ko itong tagalan. Pitong araw lang ngunit mahirap ang kailangang gawin. At ito pa! Sa sabado ay makikipamyesta kami kaya hindi ko alam paano ako sa araw na yun. Pero kaya ito. Nasimulan ko na e! Para sa akin din naman ito. Ang tagal ko ng gustong ibalik ang dati kong katawan. Yung katawan ko nung ako ay naglalaro pa ng volleyball. At gusto ko na ring simulan ang healthy diet dahil kung iisipin, hindi na ako bata para kumain na lang ng basta basta. Gusto ko rin namang mabuhay nang matagal-tagal dahil alam kong marami akong dapat at gustong gawin pa sa buhay.


Tama lamang hindi ba? Kaya lahat ng bagay ay dapat simulan na ngayon. Hindi na pwedeng ipagpabukas. Lahat ng kaya ngayon, ngayon na dapat. Gaya na lamang ng pagpapayat! : D

No comments:

Post a Comment